Letra ‘to Lee Feng Nuñez
-
- Comedia
Ang podcast na walang arte at walang kwenta. It is just an open letter for everyone.
-
EPISODE 18: Happy Tatay's Day
Sa bawat araw na dumarating
Ginagampanan mo ang dalawang tungkulin
Ang pagiging ama
At pagiging ina sa amin
Hindi madaling gawin
Pero nakakaya mo pa rin
Ramdam ko ang bigat na nararamdaman mo pagkatapos ng maligalig na maghapon
Pinapagod ka ng araw
Nilamon ka ng mga papel na palagi mong kaharap
Niliguan ka ng pawis sa palagi mong pagtahak sa masusukal na daan
Para lamang ang trabaho mo ay magampanan
Minsan mo nang pinatunayan ang hirap
Pero hindi ka sumusuko para sa pangarap
Dahil patuloy kang lumaban at lumalaban
Nanganganib man ang buhay
Patuloy ka pa rin sa pagsugal sa mas maayos na pamumuhay
Hindi madali
Hindi naging madali ang lahat
Mula sa mga naghilom mong sugat
Mga iniindang sakit
Mga lihim mong pilit mo mang itago ay sumisiwalat pa rin
Napapagod ka
Nahihirapan
Nasasaktan
Nanghihina
Para lang hindi namin madama ang nawawala
Pero hindi sinungaling ang mga mata mo
Nangungusap ito
Nagsasabing “Anak payakap ako kasi pagod na ako.”
Kayat handa akong salubungin ka ng halik
Ng yakap na may galak
Mapait ang inihanda ng buhay
Ngunit tumatamis sa mga ngiti mong taglay
Sa lakas na walang kapantay
At pagmamahal mong ibinibigay
Kayat hayaan mo akong ibahagi ang mga itinuro mo sa aking paglalakbay
Simula sa paghampas ng alon at agos ng buhay
Hayaan mong bigkasin ko ang pangalan mo
Sa ngalan mo
Nakasalalay ang lahat
Dahil kung wala ka ay wala din ako
Kami
Walang magpaparamdam sayo ng lakas kapg mahina ka
Wala kang magiging pahinga
Oo kailangan mo kami
Ngunit mas kailangan kita
Kayat sayong kaarawan hayaan mong mas iparamdam sayo na mahalaga
At TATAY, mahal na mahal kita.
Sana masaya ka. ❣️🎈 -
EPISODE 17: Turon!!!
TURON
nasilayan mo na ba ang bukas?
marahil hindi pa
pero handa ka bang harapin?
o baka naman nandiyan ka pa din
sa kahapong paulit-ulit kang inaalipin
pinaghandaan mo ba?
o baka naman tinatangay ka pa
ng agos ng sarili mong mga luha
magdabog man ang langit
kumulog at kumidlat
hanggang sa maramdaman ang galit
hayaan mo na
kasama sa paglago ang paglagas ng mga dahon
magiging marupok ang mga sanga
pero mas patitibayin ka ng panahon
magiging magulo ang lahat
pero mamumunga lahat ng pagod
konting tiis lang
makikita mo din kung bakit ka nasa baba
malalaman mo din na hindi porket nasa taas ka na malaya ka na
na kaya mo ng gawin ang lahat
pwede mong matanaw ang kalayuan
pero hindi mo mararating
pwede mong titigan lahat ng nasa baba
pero hindi mo rin sila maaabot
para saan ang posisyon
kung ikaw lang din ang magiging talo ng sarili mong misyon
pwede kang gumamit ng lakas
pero wag mo sanang daanin sa dahas
hayaan mong maging patas ang batas
maging matatas ang mananalastas
buhayin mo ang poso
padaluyin ang tubig sa bukal
palalimin ang berso
hayaan ang titik na bumungkal
ng mga salitang ugat na itinagot inilihim
huwag mo na tabunan
huwag mo na pagtakpan
tama na ang pagpapaikot
tama na ang pagpapainit
nasusunog na ang labas
nadadamay ang kalooban
walang sustansiya ang sangkap
kung hindi mo babantayang mabuti
iligtas mo ang lahat kasama ang iyong sarili
sa kagaguhan ay huwag na manatili
dahil hindi lalago ang puno kung mga sanga ay pilit binabali
damdamin mo ang sakit
kalimutan mo na ang nakaraan
huwag mo lang basta subukan
dapat piliin mong makasanayan
na wala na ang dati sayong nagpapasaya
wala na ang dating init ng pinagsamahan niyong dalawa
wala na ang lahat
kaya pakiusap
kalimutan mo na siya
*turrrroooon*
ayaw ko na -
EPISODE 16: Huño a Dose
Huño a Doze
ni Lee Feng Nuñez
Matagal na.
Matagal na matagal na.
Ilang taon na ang nakalipas
Ilang dekada na ang lumagpas
Matagal na.
Matagal na matagal na.
Tatlong banyaga ang nagsamantala
Sa isang babaeng walang palag na
Pumayag at pumayag sa paghubad sa kanya
Pero ang mga anak nito
Sila at ako
Kami at tayo
Kaming mga anak niyang Pilipino
Kahit na sakit ang dinaranas ay lumaban kami sa mga ito
Sa mga banyagang mapagsamantala
Mga banyagang bandido
At ngayon nakamit ko na, nila, naming mga Pilipino
Ang tagumpay at tropeyo
Ang magsalita, makinig, tumawa, umimik, maglakad, tumakbo, mag-aral, matuto, magdasal, magpuri, magbahagi, magpunyagi, magdiwang, mag-alay, magmahal at mabuhay
Libre na lahat
Malayo na sa sakit sa balat
Sa mahigpit na sakal
Sa nakamamatay na kagat
Sa mga pasan pasang parusang mabigat
Sa lason sa puso at utak
Nakamit na namin
Kundi dahil sa mga bayaning nagtanggol
Mga taong lumaban at sumugal
Para sa lupang pinangako na hinabol
Upang mabawi at matanggal
Ang bakas ng sama sakit at pagdurusa sa kamay ng mga mapang-aping sagabal
Sa pag-ahon at pagkawala
Pero ngayon ay wala na
Tapos na pero di ibig sabihin limot na
Ang ginawang panggagahasa sa ating ina
Sa nagluwal sa atin sa sarili nating lugar
Sa kung nasaan man tayo ngayon
Ang Pilipinas na ating pinakamamahal
Siya ang ating ina. Ang babaeng ginahasa ng iba. At tayong mga anak ang dapat magtanggol sa kanya.
Heto na.
Nakamit na.
Matagal na. At matagal na matagal na.
Nakipaglaban si Kuya Andres nakipagtunggali si Kuya Pepe
Namuno sina Pilar, Luna, at Aguinaldo
Nakipagtalastasan si Mabini
Ginapi ni Lapu-Lapu si Magellan
Para protektahan ang Maktan
Ang mga ginawa nilang kabayanihan
Ay hinding hindi matutumbasan
Ang pagprotekta sa inang bayan
At pagpatol sa kalaban
Mga bagay na di dapat kalimutan
Mga bagay na sa atin nila nilaan
Upang ang nakamit natin nang matagal na
Ang pinaghirapan ng ating mga Ate at Kuya
Mga ninuno kumbaga
Ang tropeyo na hindi nila pinagdamot ibigay
Ang tropeyo na kapalit ng kanilang buhay
Ito ay matagal na. Matagal na nating nagagamit. Matagal na nating nakuha.
Ika-labindalawa ng Hunyo
Isang libo't walongdaan siyamnapu't walo
Ang petsa kung saan nakamit natin ang tropeyo.
Mula sa pakikipaglaban.
Pakikipagdigmaan.
Kapalit ng pawis dugo at laman.
Nakamit na natin ang Araw!
Ang tropeyong hindi matatawaran.
Nakamit na natin ang ating KALAYAAN. -
EPISODE 15: Iniibig na Alaala
I.N.A (Iniibig Na Alaala)
Ni Lee Feng T. Nunez
Kapag nakakita ng masayang ina
Aking naaalala mahal kong ina
Ang ngiti sa mukha at pag-aalaga
Ay walang katumbas anumang halaga
Pumanaw man siya ay nandito pa rin
Nasa aking puso at pati damdamin
'Di man makita kanyang katauhan
Ay palagi naman nandiyan sa tabihan
Kanyang alaala ang saki'y naiwan
Palaging masaya walang kalungkutan
Palaging kasama sa 'king kadramahan
Sa 'king kasiyahan at sa kalokohan
Habang sinusulat itong aking tula
Ay nararamdaman ko ang pangungulila
Ngunit sa kabila ako'y natutuwa
Habang tumutulo aking mga luha
Aking naalala aking pagkabata
Palaging may handang tinapik sa mesa
At kung kaarawan, may balut na isa
At kung Pasko nama'y damit na maganda
'Pag may sugat naman agad lalapitan
Ito'y gagamutin at pag-iingatan
'Di paglalaruin, 'di palalabasin
Bibigyan ng payo at mga pagkain
Dahil mahal niya 'di pababayaan
Ayaw matatalo, ayaw palalamang
Makikipagtalo, makikipaglaban
Upang mahal niya'y mapabuti lamang
Ang lahat ng saya kapag siya'y kasama
Ay hinahanap ko sa tuwi-tuwina
Ang pag-aaruga ay walang kapantay
Ganyan kahalaga ang gawa ni Nanay
Ang bahay ay kulang kung wala ang ilaw
Parang buhay lamang 'pag walang liwanag
Palaging madilim parang walang araw
Madaling gibain, madaling matibag
Kaya ating oras ay 'wag aksayahin
Ang ating magulang ay ating mahalin
Dahil 'pag nawala sila sa 'ting piling
Baka ating hangarin ay 'di na marating
Ang punto ko lamang ay iyong malaman
Ang bawat halaga ng ating magulang
Lalo na sa ating nag-iisang ina
Na kapag nawala ay parang sakuna
Mangungulila ka araw man o gabi
Laging hahanapin ang kanyang pagtabi
Tuwing lumuluha, tuwing may problema
Hindi mo na siya muling makikita
Lagi kang iiyak ng walang kasama
Lagi kang malungkot, laging nag-iisa
Sapagkat wala na ang mahal mong ina
Na iyong kakampi sa tuwi-tuwina
Kaya ang tulad ko lumaking masaya
At naging matatag kahit walang ina
Ang naging pundasyon ay ang alaala
Na laging sariwa sa aking memorya
Ngayon aking ina salamat sa iyo
Ikaw ang nagturo sa buhay kong ito
Kung pa'no lagpasan ang mga pagsubok
Kung pa'no mabuhay ng hindi marupok
Kung nasaan ka man sana'y nakikinig
Sa aking pagtawag, sa 'king mga himig
Nais kong sabihing ika'y iniibig
At handang higpitan ang kapit sa bisig
Oh mahal kong ina salamat sa lahat
Salamat sa gabay at mga pangarap
Aking ginagawa ay iyong imulat
Kung saan ang tama hahit na mahirap
Ako'y patawadin kung nagkakasala
Sa mga kapatid at ating pamilya
'Di man magampanan ang pagiging kuya
At pagiging isang mabuting kasama
Kaya sana ina masaya ka diyan
'Wag ka mag-alala sa ating pamilya
Ako ang tutulong sa ating pagyaman
Ako ang bubuo sa tamang istorya
Masaya ang wakas, masaya ang lahat
Kasama sa taas, kalaro sa ulap
Pagmamasdan natin ang ganda ng dagat
At kokompletuhin ang mga hinahanap
Sa tula na ito ay isisigaw ko
Kung gaano kapalad ang mga tulad ko
Kahit walang ina ay nararamdaman
Ang init ng yakap na walang hangganan
Ang huling bahagi sa'yo iaalay
Mahal kita Nanay, mahal kita Mama
Mahal kita Mommy, mahal kita Ina
Mahal kita kahit alaala ka na. -
EPISODE 14: Tanghali at ang Hari
minamahal niyo lang ako sa simula at sa wakas...
hindi naman ako palaging kasing ganda ng buwan
hindi rin ako palaging kasing rikit ng mga bituin
hindi rin ako kaakit-akit gaya ng ulap
at lalong hindi ako kasing lawak ng kalawakan at dagat
isa pa,
hindi lang ako maganda sa umpisa,
hindi ko hangad na pahalagahan lang sa simula,
sa pasasalamat kasi dumating,
sa pagmulat pagkatapos ng gabing madilim,
hindi ko hanggad na mahalin mo ako sa tuwing makikita mo akong umaakyat sa mga pagitan ng bundok,
hindi ko rin hinangad na ngitian mo lang ako sandali bago magsimula ang maghapon mong nakakapagod,
hindi ko hangad ang ganito,
hindi ko hanggad ang paghanga,
hindi ko hanggad ang titig,
hindi ko hangad ang mga larawang kuha mo sa akin habang dahan-dahan akong lumulubog sa kanluran,
nalulunod sa ilalim ng karagatan,
inaagos ang alaala ng maghapong dumaan,
tinitiis ko ang paninisi mo sa hatid kong init,
nalulungkot habang tinataboy ng mga taong pilit hinahanap ang ihip ng hanging kaibigan mong matalik,
subalit,
nasasaktan ako,
dahil
hindi man lang ako pinansin,
hindi man lang tinatanggap,
hindi man lang pinahahalagahan,
hindi man lang naisip
na sa buong maghapo’t magdamag
ako lamang ang nananatiling tapat
tapos babalewalain lang,
dahil ang halaga ko
ay nakikita lang sa umpisa
at sa pagwawakas
saka niyo lang ako minamahal
kapag nasisilayan niyo na ang liwanag,
ang kulay pulang sinag
ang bahaghari,
ang kulay na mapanlinlang
pero nakalimutan niyong ako ang hari
ang palaging tapat
ang may koronang tinatakpan ng ulap
ang palagi mong kaharap
at palagi kang pinagbibigyan
pagkatapos ay lilimutin mo lang
pagdating
ng
isang buwan
—TANGHALI AT ANG HARI (2021)
Letra 'to
Mga Tula Ni Pedro Gwapo / Juan Tanga -
EPISODE 13: Ang Pangarap Kong Love Story
“ANG PANGARAP KONG LOVE STORY”
Namulat ako sa KathNiel,
sa mga teleseryeng tinangkilik ng kilig,
mga pelikula sa pinilakang tabing ng tili,
mga eksenang sa puso’t isip namumutawi
at ng mga kuhang larawan na itinago’t ikinubli
Kinalakhan ko ang LizQuen,
mga pagsasamang binuo ng tampuhan,
mga sandaling binalot ng tawanan,
mga panaghoy na naging katotohanan,
dramang pinalawig ng masalimuot na karanasan
at mga komedyang niyakap ng karangalan
Napukaw ako ng Jadine,
sa kanilang mga titig at yakap,
sa mainit na halik at hawak,
sinundan ko ang riles ng relasyon hangang sa huling istasyon,
na nagbigay sa akin ng inspirasyon,
motibasyon
at leksyon
sa mga taong gusto ng panibagong bersyon at ng simpleng atensyon—mga taong susubok na maging tunay ang tibok
at tatanggap sa aking pagbangon
at pagkakalugmok
pero nabuhay ako
sa pag-ibig
at nagpapatuloy ako
sa pag ibig
para maibahagi ko
ang sarili kong kwento
———
“Gusto ko ng katuwang na magpaparamdam sa akin ng pahinga.
Payapang paligid na magbibigay sa akin ng ginhawa.
Gusto ko rin ng tahanan,
na magpapatahan sa akin sa mga gabing wala na akong maiyakan.
Gusto ko rin ng alagang hayop,
na maglalambing sa’kin kung sakaling nakakaramdam ako ng takot.
Pangarap ko ang katahimikan.
Malayo sa magulong lansangan at maiingay na maalinsangang sasakyan.
Pangarap ko ang buhangin,
ang dapithapon sa dalampasigan,
ang simoy ng hangin at hampas ng alon,
ang himig ng nagliliparang mga ibon,
Pangarap kong humiga at huminga sa nakakapagod na mundo
habang humihigop ng mainit na kape,
habang pinapanood ang kumakaway na mga pananim—mais, palay,
tubo o gulay.
Pangarap ko ang yakapin mo ako
sa gabing malamig na hindi mawari kung ulan ba o bagyo
At ika'y hahagkan,
pipisilin ang pisngi,
at ilong
habang nakangiti,
hahagkan kita sa noo,
bilang paalala kung gaano ito katotoo—ang pag-ibig,
ang relasyong sabay nating pinangarap
hindi na ito panaginip,
isa na itong kaganapan,
ikaw ang sapat at ako ang tiyak,
dito sa payak na kwento ng malawak na mundo ng pangarap."
Hindi na ako humihiling pa,
wala ng sana,
dahil
nandito ka na.
Ang pangarap kong love story ay hindi lang basta kwento ng pag-ibig.
Ang gusto ko ay totoo. Walang pagtatago. Walang pagpapanggap. Walang kasinungalingan kundi pagtanggap. Pagpapatawad. Pag-unawa. Pag-intindi. Pagpapasaya. Pananatili. Pagpili. At Pananalangin.
Dahil sa mahirap at komplikadong tanong na
"Ano ang pangarap mong love story?"
ang palaging kong sagot, simple lang,
"SIMPLE LANG"
Walang arte,
Walang sakit,
walang inggit,
walang galit
kundi puro lang pagmamahal
at higit sa lahat
gusto ko,
yung gusto ni Kristo.
—simple lang (2021)