EPISODE 13: Ang Pangarap Kong Love Story
“ANG PANGARAP KONG LOVE STORY” Namulat ako sa KathNiel, sa mga teleseryeng tinangkilik ng kilig, mga pelikula sa pinilakang tabing ng tili, mga eksenang sa puso’t isip namumutawi at ng mga kuhang larawan na itinago’t ikinubli Kinalakhan ko ang LizQuen, mga pagsasamang binuo ng tampuhan, mga sandaling binalot ng tawanan, mga panaghoy na naging katotohanan, dramang pinalawig ng masalimuot na karanasan at mga komedyang niyakap ng karangalan Napukaw ako ng Jadine, sa kanilang mga titig at yakap, sa mainit na halik at hawak, sinundan ko ang riles ng relasyon hangang sa huling istasyon, na nagbigay sa akin ng inspirasyon, motibasyon at leksyon sa mga taong gusto ng panibagong bersyon at ng simpleng atensyon—mga taong susubok na maging tunay ang tibok at tatanggap sa aking pagbangon at pagkakalugmok pero nabuhay ako sa pag-ibig at nagpapatuloy ako sa pag ibig para maibahagi ko ang sarili kong kwento ——— “Gusto ko ng katuwang na magpaparamdam sa akin ng pahinga. Payapang paligid na magbibigay sa akin ng ginhawa. Gusto ko rin ng tahanan, na magpapatahan sa akin sa mga gabing wala na akong maiyakan. Gusto ko rin ng alagang hayop, na maglalambing sa’kin kung sakaling nakakaramdam ako ng takot. Pangarap ko ang katahimikan. Malayo sa magulong lansangan at maiingay na maalinsangang sasakyan. Pangarap ko ang buhangin, ang dapithapon sa dalampasigan, ang simoy ng hangin at hampas ng alon, ang himig ng nagliliparang mga ibon, Pangarap kong humiga at huminga sa nakakapagod na mundo habang humihigop ng mainit na kape, habang pinapanood ang kumakaway na mga pananim—mais, palay, tubo o gulay. Pangarap ko ang yakapin mo ako sa gabing malamig na hindi mawari kung ulan ba o bagyo At ika'y hahagkan, pipisilin ang pisngi, at ilong habang nakangiti, hahagkan kita sa noo, bilang paalala kung gaano ito katotoo—ang pag-ibig, ang relasyong sabay nating pinangarap hindi na ito panaginip, isa na itong kaganapan, ikaw ang sapat at ako ang tiyak, dito sa payak na kwento ng malawak na mundo ng pangarap." Hindi na ako humihiling pa, wala ng sana, dahil nandito ka na. Ang pangarap kong love story ay hindi lang basta kwento ng pag-ibig. Ang gusto ko ay totoo. Walang pagtatago. Walang pagpapanggap. Walang kasinungalingan kundi pagtanggap. Pagpapatawad. Pag-unawa. Pag-intindi. Pagpapasaya. Pananatili. Pagpili. At Pananalangin. Dahil sa mahirap at komplikadong tanong na "Ano ang pangarap mong love story?" ang palaging kong sagot, simple lang, "SIMPLE LANG" Walang arte, Walang sakit, walang inggit, walang galit kundi puro lang pagmamahal at higit sa lahat gusto ko, yung gusto ni Kristo. —simple lang (2021)