Kape at KAPITULO (Tagalog Bible Reading)

Myla Joy Cunanan

Hi everyone, this is your Bible Buddy, Myla Cunanan. Welcome to Kape at Kapitulo- A Tagalog Bible Reading. Tara nang magkape habang nakikinig sa mga Salita ng Diyos.

  1. Psalm 31 (Awit 31)

    07/25/2021

    Psalm 31 (Awit 31)

    Dalangin ng Pagtitiwala 31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga. Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako. Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo. 2 Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas. Kayo ang aking batong kanlungan, at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan. 3 Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan, pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan. 4 Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway, dahil kayo ang aking matibay na tanggulan. 5 Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili. Iligtas nʼyo ako, Panginoon, dahil kayo ang Dios na maaasahan. 6 Panginoon, namumuhi ako sa mga sumasamba sa mga dios-diosan na walang kabuluhan, dahil sa inyo ako nagtitiwala. 7 Akoʼy magagalak sa inyong pag-ibig, dahil nakita nʼyo ang aking pagdurusa, at nalalaman nʼyo ang tinitiis kong kahirapan. 8 Hindi nʼyo ako ibinigay sa aking mga kaaway, sa halip iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan. 9 Panginoon, kahabagan nʼyo po ako, dahil akoʼy labis nang nahihirapan. Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak, at nanghihina na ako. 10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian; umiikli ang buhay ko dahil sa pag-iyak at kalungkutan. Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan, at parang nadudurog na ang aking mga buto. 11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway, at hinahamak ng aking mga kapitbahay. Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan; kapag nakikita nila ako sa daan, akoʼy kanilang nilalayuan. 12 Para akong patay na kanilang kinalimutan, at parang basag na sisidlan na wala nang halaga. 13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin. Natatakot akong pumunta kahit saan, dahil plano nilang patayin ako. 14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon. Sinasabi kong, “Kayo ang aking Dios!” 15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay. Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin. 16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod. Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako. 17 Panginoon, huwag nʼyong payagang akoʼy mapahiya, dahil sa inyo ako tumatawag. Ang masasama sana ang mapahiya at manahimik doon sa libingan. 18 Patahimikin nʼyo silang mga sinungaling, pati ang mga mayayabang at mapagmataas na binabalewala at hinahamak ang mga matuwid. 19 O kay dakila ng inyong kabutihan; sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan. Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan. 20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga. At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba. 21 Purihin ang Panginoon, dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan. 22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko, “Binalewala na ako ng Panginoon.” Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan. 23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan, mahalin ninyo ang Panginoon. Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya, ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas. 24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob, kayong mga umaasa sa Panginoon.

    8 min
  2. Psalm 30 (Awit 30)

    06/08/2021

    Psalm 30 (Awit 30)

    Dalangin ng Pagpapasalamat 30 Panginoon, pupurihin ko kayo, dahil iniligtas nʼyo ako. Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway. 2 Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo, at pinagaling nʼyo ako. 3 Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan. Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay. 4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, kayong mga tapat sa kanya. Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan. 5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal, ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman. Maaaring sa gabi ay may pagluha, pero pagsapit ng umaga ay may ligaya. 6 Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko, “Wala akong pangangambahan.” 7 Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon. Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok. Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo. 8 Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito: 9 “Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay? Makakapagpuri pa ba ang mga patay? Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan? 10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan. Tulungan nʼyo ako, Panginoon!” 11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan. Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa, at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan, 12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo. Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman. Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND) Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®

    3 min
  3. Psalm 29 (Awit 29)

    06/06/2021

    Psalm 29 (Awit 29)

    Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon 29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a] Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan. 2 Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan. Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya. 3 Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan. 4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang. 5 Ang tinig ng Panginoon ay makakabali at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon. 6 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon. 7 Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat. 8 Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh. 9 Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c] at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan. At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw, “Ang Dios ay makapangyarihan!” 10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha. Maghahari siya magpakailanman. 11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan, at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan. Footnotes 29:1 kayong mga anak ng makapangyarihang Dios: Sa ibang salin ng Biblia, kayong mga nilalang sa kalangitan. 29:6 Hermon: sa Hebreo, Sirion. 29:9 napapagalaw ang mga puno ng ensina: sa literal, napapaanak ang mga usa. Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND) Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®

    3 min
  4. Psalm 27 (Awit 27)

    06/04/2021

    Psalm 27 (Awit 27)

    Panalangin ng Pagtitiwala 27 Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas. Sino ang aking katatakutan? Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan. 2 Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin, sila ang nabubuwal at natatalo! 3 Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal, hindi ako matatakot. Kahit salakayin nila ako, magtitiwala ako sa Dios. 4 Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon, ito ang tanging ninanais ko: na akoʼy manirahan sa kanyang templo habang akoʼy nabubuhay, upang mamasdan ang kanyang kadakilaan, at hilingin sa kanya ang kanyang patnubay. 5 Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo, at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar. 6 Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko na nakapaligid sa akin. Maghahandog ako sa templo ng Panginoon habang sumisigaw sa kagalakan, umaawit at nagpupuri. 7 Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag. Kahabagan nʼyo ako at sagutin ang aking dalangin. 8 Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso na lumapit sa inyo, kaya narito ako, lumalapit sa inyo. 9 Huwag nʼyo po akong pagtaguan! Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil dahil sa inyong galit. Kayo na laging tumutulong sa akin, huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan, O Dios na aking Tagapagligtas. 10 Iwanan man ako ng aking mga magulang, kayo naman, Panginoon, ang mag-aalaga sa akin. 11 Ituro nʼyo sa akin ang daang gusto nʼyong lakaran ko. Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan, dahil sa mga kaaway ko na gusto akong gawan ng masama. 12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway, dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan ng kasinungalingan, at nais nilang akoʼy saktan. 13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon, habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo. 14 Magtiwala kayo sa Panginoon! Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa. Magtiwala lamang kayo sa Panginoon! Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND) Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®

    4 min
  5. Psalm 26 (Awit 26)

    06/04/2021

    Psalm 26 (Awit 26)

    Ang Panalangin ng Taong Matuwid 26 Patunayan nʼyo, Panginoon, na akoʼy walang kasalanan, dahil akoʼy namumuhay nang matuwid, at nagtitiwala sa inyo ng walang pag-aalinlangan. 2 Siyasatin at subukin nʼyo ako, Panginoon. Suriin nʼyo ang aking pusoʼt isipan, 3 dahil lagi kong naaalala ang inyong pagmamahal, at namumuhay ako na pinanghahawakan ang inyong katapatan. 4 Hindi ako sumasama sa mga taong sinungaling at mapagpanggap. 5 Kinaiinisan ko ang mga pagsasama-sama ng masasamang tao, at hindi ako nakikisama sa kanila. 6-7 Naghuhugas ako ng kamay upang ipakitang akoʼy walang kasalanan. Pagkatapos, pumupunta[a] ako sa pinaghahandugan ng hayop at ibaʼt ibang ani upang sumamba sa inyo, O Panginoon, na umaawit ng papuriʼt pasasalamat. Sinasabi ko sa mga tao ang lahat ng inyong mga kahanga-hangang ginawa. 8 Panginoon, mahal ko ang templo na inyong tahanan, na siyang kinaroroonan ng inyong kaluwalhatian. 9-10 Huwag nʼyo po akong parusahang kasama ng mga makasalanan, gaya ng mga mamamatay-tao. Palagi silang handang gumawa ng masama, at nanghihingi ng suhol. 11 Ngunit akoʼy namumuhay nang matuwid, kaya iligtas nʼyo ako at inyong kahabagan. 12 Ngayon, ligtas na ako sa panganib,[b] kaya pupurihin ko kayo, Panginoon, sa gitna ng inyong mamamayang nagtitipon-tipon. Footnotes 26:6-7 pumupunta: sa Hebreo, iikot. 26:12 ligtas … panganib: sa literal, akoʼy nakatayo sa patag na lugar. Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND) Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®

    3 min
  6. Psalm 25 (Awit 25)

    05/25/2021

    Psalm 25 (Awit 25)

    Dalangin para Ingatan at Patnubayan 25 1-2 Panginoon kong Dios, sa inyo ako nananalangin at nagtitiwala. Huwag nʼyo pong hayaan na mapahiya ako at pagtawanan ng aking mga kaaway dahil sa aking pagkatalo. 3 Ang sinumang nagtitiwala sa inyo ay hindi malalagay sa kahihiyan, ngunit mapapahiya ang mga traydor. 4 Ituro nʼyo sa akin, Panginoon, ang tamang pamamaraan, ang tuwid na daan na dapat kong lakaran. 5 Turuan nʼyo akong mamuhay ayon sa katotohanan, dahil kayo ang Dios na aking tagapagligtas. Kayo ang lagi kong inaasahan. 6 Panginoon, alalahanin nʼyo ang kagandahang-loob at pag-ibig, na inyong ipinakita mula pa noong una. 7 Panginoon, ayon sa inyong kabutihan at pag-ibig, alalahanin nʼyo ako, pero huwag ang mga kasalanan at pagsuway ko mula pa noong aking pagkabata. 8 Mabuti at matuwid po kayo, Panginoon, kaya tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan ang mga makasalanan. 9 Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama. Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan. 10 Lahat ng ginagawa nʼyo ay nagpapakita ng inyong pag-ibig at katapatan sa mga sumusunod sa inyong mga kautusan. 11 Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[a] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan. 12 Ang sinumang may takot sa inyo, Panginoon, ay turuan nʼyo po ng daan na dapat nilang lakaran. 13 Mabubuhay sila ng masagana, at ang kanilang lahi ay patuloy na maninirahan sa lupain na ipinangako ng Dios. 14 Panginoon, kayoʼy malapit sa mga taong may takot sa inyo, at pinapaalala nʼyo sa kanila ang inyong kasunduan. 15 Palagi akong umaasa sa inyo, Panginoon, dahil kayo ang palaging nagliligtas sa akin sa kapahamakan. 16 Dinggin nʼyo po ako at inyong kahabagan, dahil akoʼy nag-iisa at naghihirap. 17 Lalong dumarami ang bigat sa aking kalooban. Hanguin nʼyo ako sa aking mga kalungkutan. 18 Tingnan nʼyo ang dinaranas kong mga kahirapan, at patawarin nʼyo ang lahat kong kasalanan. 19 Tingnan nʼyo kung gaano karami ang aking mga kaaway na galit na galit sa akin. 20 Iligtas nʼyo ako, Panginoon! At ingatan ang aking buhay! Nanganganlong ako sa inyo; huwag nʼyong hayaan na mapahiya ako. 21 Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo, nawaʼy maging ligtas ako. 22 O Dios, iligtas nʼyo po ang Israel sa lahat ng kaguluhan. Footnotes 25:11 inyong kabutihan: sa literal, inyong pangalan. Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND) Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®

    5 min

About

Hi everyone, this is your Bible Buddy, Myla Cunanan. Welcome to Kape at Kapitulo- A Tagalog Bible Reading. Tara nang magkape habang nakikinig sa mga Salita ng Diyos.